El Filibusterismo

Kabanata XIV
Sa Bahay ng mga Mag-aaral

Buod

Malaki ang bahay na tinitirahan ng estudyanteng si Makaraig. Maluwag ang bahay na ito at puro binata ang nakatira na pawang nangangasera. Iba-iba ang kanilang edad at pag-uugali.

Si Makaraig ay isang mayamang mag-aaral ng abogasya at pinuno ng kilusan ukol sa isyu sa Akademya ng wikang kastila. Ang pangunahing estudyante na sina Isagani, Sandoval, Pecson at Pelaez ay inimbitahan ni Makaraig upang pag-usapan ang kanilang pakay. Mananalig sina Isagani at Sandoval na pagbibigyan hiling, samantalang nag-aalinlangan si Pecson. Si Sandoval ay larawan ng mga kastilang may malasakit at pagpapahalaga sa mga Pilipino.

May dalang magandang balita si Makaraig. Ibinalita nila na si Padre Irene ay ang nagtatanggol sa kanila laban sa mga sumalungat sa kanilang adhikain. Kailangan ng grupo ang pagkiling ni Don Custodio, isa sa mga kataas-taasang lipon ng paaralan sa kanilang panig. Dalawang paraan ang kanilang naisipupang pumanig sa kanila si Don Custodio, si G. Pasta isang manananggol at si Pepay na isang mananayaw na matalik na kaibigan ni Don Custodio. Napagkaisahan ng lahat na piliin ang manananggol upang maging marangal ang kapamaraanan.

Mga Tanong at Sagot

1. Sino si Sandoval?

Sagot

Isang empleyado at estudyanteng taga-Espanya na tinatapos ang pag-aaral sa Maynila.

2. Anong uri ng tauhan ang inilarawan ni Rizal sa tauhang si Juanito Pelaez?

Sagot

Isang Pilipino na takot manindigan para sa bayan.

3. Anong ugali mayroon ang mga intsik na naging dahilan ng kanilang tagumpay ayon sa inilarawan sa kwento?

Sagot

Sila ay mapagkumbaba.

Kabanata XVI
Ang Kasawian ng Isang Intsik

Buod

Si Quiroga, isang negosyanteng Intsik na naghahangad magkaroon ng konsulado ang kanyang bansa ay naghandog ng isang hapunan. Dinaluhan ito ng mga tanyag na panauhin, mga kilalang mangangalakal, mga prayle, mga militar, mga kawani ng pamahalaan, gayun din ang kanilang mga suki.

Dumating si Simoun at nang singilin niya si Quiroga sa utang na siyam na libong piso, sinabi nitong nalulugi siya. Inalok ni Simoun na bawasan ng dalawang libong piso ang utang ni Quiroga kung papaya gang intsik na itago sa kanilang bodega ang mga armas na dumating. Hindi raw dapat mangamba ang Intsik, sapagkat ang mga baril ay unti-unting ililipat sa ibang bahay na pagkatapos ay gaagawan ng pagsisiyasat at marami ang mabibilango. Siya ay lalakad sa mga mapipiit upang kumita. Napilitang sumang-ayon si Quiroga. Ang pangkat ni Don Custodio ay nag-uusap tungkol sa komisyong ipapadala sa India para pag-aralan ang paggawa ng sapatos para sa mga sundalo.Sa pulutong ng mga pari, ay pinag-uusapan nila ay tungkol sa ulong nagsasalita sa may perya sa Quiapo na pinamamahalaan ni Mr. Leeds.

Mga Tanong at Sagot

1. Bakit naghanda ng isang malaking hapunan si Quiroga?

Sagot

Siya ay naghahangad na magkaroon ng konsulado ang Tsina sa Pilipinas.

2. Bakit iginalang ni Quiroga si Simoun?

Sagot

Dahil sa pagiging malapit nito sa kapitan-Heneral.

3. Bakit nagkautang si Quiroga kay Simoun ng siyam na libong piso?

Sagot

Kumuha siya ng tatlong pulseras kay Simoun na ibinigay niya sa isang babaeng kaibigan ng isang makapangyarihang lalaki.

Kabanata XVII
Ang Perya sa Quiapo

Buod

Maganda ang gabi. Ang perya’y punong-puno ng panonoorin at manonood. Ang 12 galing sa bahay ni Quiroga ay patungo sa kubol ni Mr. Leeds. Tuwang-tuwa si Padre Camorra sa dami ng magagandang dalagang nakikita lalo na nang makasalubong si Paulita na kasama nina Isagani at Donya Victorina. Punyales! Kailan pa ako magiging kura sa Quaipo, anang makamundong prayle at kinurot sa tiyan si Ben Zayb. Si Isagani nama’y inis sa bawa’t tumititig kay Paulita.

May pinasok na tindahan ng mga tau-tauhang kahoy ang pangkat nina Padre Camorra. Naghawigan sila-sila. Ang isa raw ay kahawig ni Zayb. Kahawig daw ni Padre Camorra ang isa. Marami ang lilok na anyong Prayle.

May isang kuwadrong tanso ng babaing pisak ang mata, gula-gulanit ang damit, nakalupasay at namimirinsa at namimirinsa ng lumang damit. Ayon kay Padre Camorra ay isang hanggal ang umisip ng larawang iyon. Sumagot si Ben Zayb na iyon ay ayon sa pamagat: la Prenza Filipina o prinsang ginagamit sa Pilipinas. Isa namang kuwadro ay naglalarawan ng isang lalaking nakagapos ang mga kamay at tinuturuan ng mga guwardiya sibil. Pamagat Ang Bayan na Akaba . Pinagtawanan din nila ito.

May nakitang larawan na kahawig ni Simoun. Hinanap nila ang mag-aalahas. Wala ito. Ayon kay Padre Camorra’y natakot na baka pagbayarin nila sa pagpasok sa paglabas ni Mr. Leeds. Ani Ben Zayb naman: Baka natakot na matuklasan natin ang lihim ng kanyang kaibigan si Mr. Leeds. Makikita ninyo’t ang lahat ay sa salamin lamang.

Mga Tulong sa Pag-aaral

1. Ang perya ay hindi iisang tindahan ng mga laruan o pabaril na tulad ng kasalukuyang gamit ng taguring ito. Ito ay Fair o mga kubol ng siriko, mahika (magic), mga tindahan ng laruan ,paninda mga ari, at iba pa.

2. Noo’y Enero.

3. Tandaan uli ang pagkawala ni Simoun gayon siya ang nagyaya sa panonood sa espinghe ni Mr. Leeds.

Mga Tanong at Sagot

1. Anong kalinangan Pilipino ang binigyan diin ni Rizal sa Kabanatang ito?

Tugon

Ang palilok ng mga anyo o larawan. Isa itong talakay sa sining ng paglilok ng mga Pilipino na pinuri ni Rizal.

2. Ano ang inilalarawan sa kathang La Filipina?

Tugon

Ang pamamahayag sa Pilipanas (state of Filipino press or journalism): matanda (makaluma); pisak ang isang mata ( di katotohanan ang pagbabalita at iyong lang ibig paksain ang pinapaksa ): marumi, at lugami ang pamamahayag noon. Ang nakakatawa rito ay isa pa si Ben Zayb sa nagtatawa sa larawan at wala siyang kamalay-malay na sila ang inaatake sa larawang iyon lalo si Ben Zayb. ( Animo ito ng pagkakapahintulot ng sensor sa pagpapalathala ng Florante at Laura ni Balagtas na atake ng kumatha laban sa pamahalaan.)

Mas malinaw rito ang panunuligsa sa ikalawang larawan, ang bayan ng Abaka. Inilalarawan dito na ang Pilipinas ay bayan ng abaka na ang karaniwang gamit ay panggapos sa mga dinarakip ng guwardiya sibil. Nguni’t ito man ay di nasakyan ng matatalino’t magagaling na pangkat nina Ben Zayb.

(Nasakyan naman kaya ito ng mga indiyo? At sino ang nakaisip ng gayong mga larawan sa perye?)

Kabanata XVII
Ang mga Kadayaan

Buod

Sinalubong ni Mr. Leeds ang mga panauhin sa kanyang perya. Bago nagsimula ang palabas, nagsiyasat si Ben Zayk upang Makita ang salamin sa kanyang inaasahang matagpuan, ngunit wala siyang nakita.

Pumasok si Mr. Leeds sa isang pinto at may dalang kahong kahoy sa kanyang pagbabalik. Ipinaliwanag niya na ito ay natagpuan naiya sa isang libingang nasa-piramid ni Khufu, isang Paraon ng Ehipto. Ang kahon ay may lamang abo at kapirasong papiro na kinasusulatan ng dalawang salita. Sa pamamagitan ngpagbigkas ngunang salita ang abo ay nabubuhay at nakakausapang isang ulo at pagbanggit ng ikalawang salita ito ay babalik sa dating kinalalagyan nito.

Bumigkas ng isang salita si Mr. Leeds, lumabas ang isang ulo at sinsbi nitong siya si Imuthis. Siya ay umuwi sa sariling bayan pagkatapos ng pag-aaral at mahabang paglalakbay. Sa kanyang pagdaraan sa Babilonia ay nabati niya ang isang lihim na hindi ang tunay na Sumerdis ang namamahala doon kundi si Gautama, isang magnanakaw ng kapangyarihan at namamahala sa tulong ng pandaraya. Sa katakutang isumbong siya kay Cambises ay binalak ang ikakasawi ni Imuthus sa tulong ng mga saserdoteng Taga-Ehipto na siyang nakapangyayari noon sa kanilang bayan. Siya ayumibig sa isang anak ng pari at naging kaagaw niya rito ang pari sa Abidos. Nagpanukala ang pari ng kaguluhan at siya ang sinangkalan. Isinakdal siya at napiit, tumakas at napatay. Ayon sa ulo siya ay nabuhay muli upang ihayag ang gayong kataksilan. Titig na titig kay Padre Salvi ang espinghe habang nagsasalita ito. Dahil sa takot hinimatay ang prayle.

Kinabukasan nagpalabas ng utos ang gobernador na nagbabawal sa palabas ngunit wala na si Mr. Leeds, nagtungo ito sa Hongkong dala ang kanyang lihim.

Mga Tanong at Sagot

1.Bakit hinimatay si Padre Salvi?

Sagot

Dahil sa takot sa tinawag na ulo.

2. Kanino inahalintulad ang buhay ni Imuthis?

Sagot

Kay Ibbara.

3. Ano ang ipinahihiwatig ng naging reaksyon ni Padre Salvi pagkatapos ng salaysay ni Imuthis?

Sagot

Ito ay nagpapakilala ng pagtanggap ng mga prayle sa kanilang kasamaan at pagpakasal.

Kabanata XIX
Ang Mitsa

Buod

Lumabas sa klase si Placido Penitente. Hindi na siya ang dating mapagtimpi. Galit na galit siya. Nais niyang gumawa ng isang libo`t isang paghihiganti. Parang ibinubulong ng kanyang budhi: Placido Penitente, ipakilala mong ikaw ay may karangalan, na ikaw ay matapang at maginoo. Taga-Batangas ka na ang paglait ay hinuhugasan ng dugo.

Nakitang nagdaan ang isang sasakyang kinalulunanan nina Padre Sibyla at Don Custodio. Nais niyang habulin ang kura at ihagis sa ilog.

Napadaan sa Escolta. May naraanang dalawang Agustino sa pinto ng basar ni Quiroga. Ibig pag-uundayan ng suntok. Nagpigil. May naraanang dalawang kadete na nakikipag-usp sa isang kawani. Sinagasa niya ito. Tumabi ang mga kadete. Inaalihan ng hamok si Placido.

Inakala na ni Placidong wala na siyang pagkakataong mag-aral. Aniya sa sarili. Hindi raw kami marunong maghiganti. Dumating na sana ang lintik at nang makita nila.

Naratnan ni Placido sa bahay na kanyang tinutuluyan ang kanyang ina si Kabesang Andang. Kararating nito mula sa Batangas. Sinabi ni Placido na di na siya mag-aaral. Naghinagpis ang ina. Nakiusap sa anak. Nagpaalam si Placido sa ina. Ginala nito ang Sibakong, Tundo, San Nicolas, Sto. Kristo. Mainit pa ang ulo. Nguni`t nakaramdam ng gutom. Naisipang umuwi. Inakalang wala na sa bahay ina`t nagtungo na sa kapitbahay upang makipangginggi. Mali siya. Naroon pa ang ina. Naghihintay.

Ipinakiusap daw ni Kabesang Andang sa prokurador ng Agustino na iayos ang suliranin ni Placido sa nakagalit na Dominiko. Ayaw ni Placido. Tatalon daw muna siya sa ilog Pasig o magtutulisan bago mag-aral na muli. Nagsermon uli ang ina ukol sa pagtitiis. Di na kumain muna, muling umalis ang binata. Nagtungo sa daungan ng mga bapor. Inisip niyang magtungo sa Hongkong, magpayaman at kalabanin ang mga prayle.

Ginabi siya sa paggagala. Walang natagpuang kaibigan. Napatungo siya sa perya. Nakita niya si Simoun. Sinabi niya dito ang nangyari sa kanya at ang hangad niyang pasa- Hongkong. Napatulog siya sa mag-aalaha.

Isinama ni Simoun si Placido sa kanyang karuwahe. Pag-karaan ng pagtakbo ipinatigil ang sasakyan. Bumaba sina Simoun at Placido. Nakita nina Placido sina Isagani at Paulita na namamasyal. Nainggit si Placido. Kinainisan sina Simoun at Isagani. Anya: Sa ganyan lamang mapapakinabangan. Nagpatuloy ng paglalakad sina Simoun at Placido hanggang sapitin nila ang isang bahay na munti pagawaan ng mga pulbura na pinangangasiwaan ng dating guro sa San Diego. Inatasan si Simoun na pakipagkitaan ng guro ang tenyente at ang kabo ng mga militar, gayundin si Kabesang Tales. Nagtanong ang guro sa di pa nila kahandaan. Ani Simoun: sapat na sina Kabesang Tales, ang mga naging kabinero at isang rehinameyento ng mga kawal. Kung ipagpapaliban ay baka patay na si Maria Clara. Tumalima ang dating guro.

Dalawang oras na nag-usap sa bahay ni Simoun ang magaalahas at ang binata bago umuwi sa kaserahan si Placido.

Nang mapag-isa ang mag-aalahas ay nagtalo ang loob ni Simoun. Sinurot siya ng budhi dahil bahagi siya ng kabulukang nais niyang puksain. Waring nakita niya ang anyo ng kanyang ama at ng kay Elias na tumututol sa kanyang ginawa. Ngunit umiling siya. Kung ako`y tumulad sa inyo ay patay na ako, aniya. Gumawa ako ng masama upang mabigyang daan ang mabuti. Nilalagnat noon si simoun.

Kinabukasan ay buong bait na nakikinig si Placido sa nangangaral na ina. Hindi tumututol sa mungkahi nito. Ipinayo na lamang sa ina na bumalik na sa lalawigan kaagad dahil kung malaman daw ng prokurador na naroon si Kabesang Andang ay hihingian pa ito ng regalo at pamisa.

Mga Tulong sa Pag-aaral

1. Nakita ni Placido na kasama ni Padre Sibyla si Don Custodio, na magpapasiya ukol sa balak na paaralan ng kabataan.

2. Ang salita kayang Ingles na amok (huramentado) ay galing sa hamok ng Malay?

3. Si Kabesang Andangay halimbawa ng isang ignoranteng ina noong panahong iyon na kaya lamang nagpapaaral ng anak ay sa pagkakagaya-gaya o kaibigang mapagmalaki bilang ina ng isang nakapag-aral at nagkatitulo. Kung alam niya na ang ibubunga ng pag-aaral ni Placido ay bilangguan o bibitayan, na siyang tiyak na ibubunga ng masikhay at matining na pag-aaral noon ay papag-aralin pa kaya niya ito?

4. Ang paghihimagsik ni Simoun ay magsisimula sa mga arabal (kanugnog-pook ng Maynila o suburbs na noon ay mabugat pa tulad ng Balintawak, Sta Mesa. Makati, La Loma at atbp.) na binubuo ng :

A. Pangkat ng mamamayang naaaping ibig maghiganti;

B. Pangkat ng mga tulisang tulad ni Kabesang Tales ay naging gayon sa udyok ng paghanap ng katarungang di naging kanila sa pamahalaan;

K. Mga kawal na kanyang pinaniwalaang ibig ng Kapitang Heneral na manggulo sila sa mga sibil at sa mga prayle upang magkaroon ng dahilan ang heneral na magtagal pa sa Pilipinas;

D. Mga manong na pinaniwala niyang sasalakay sa kumbento ang mga kawal at sibil.

Dahil dito, ang mga sibil at mga manong ay makakalaban ng mga kawal na may mga pagkakautang kay Simoun at ang mga tulisan kakampi ni Simoun, at ang mga mamamayang sasapi sa kanya ay malayang makalulusob sa Maynila (Intramuros ngayon) at maluwag niyang makukuha ang siyudad na walang magtatanggol.

Mga Tanong at Sagot

1. Bakit nasabi ni Placido na wala na siyang pagkakataong mag-aral?

Tugon

Iisa ang unibersidad noon para sa karera ang unibersidad ng Sto. Tomas. Ayaw na siyang tangapin doon.

2. Ano ang lintik na ibig nang sumabog ni Placido upang maipakilala nga ngitngit ng kanyang paghihiganti?

Tugon

Ang himagsikang tulad ng naganap noong 1872 na kinasangkutan nina P.Burgos. makikita ritong ang diwa ng 1872 ay nananatiling buhay sa isip at damdamin ng mga Pilipino pagkatapos noon. Umaasa sila sa muling pagsabog ng malaking himagsikan.

3. Bakit napatapon ang dating guro sa San Diego?

Tugon

Ninasa niyang makapagturo nang mabuti. Naging kalaban niya ang simbahan at ang pamahalaan na sadyang ayaw na ang mga indiyo ay matuto ng husto.

4. Bakit umanib kay Simoun sa balak niyang paghihimagsik ang Kastilang may rayuma?

Tugon

It’y nagkaasawa ng maganda. Pinagnasaan ng mga prayle ang babae. Para maiwasan ang ganti ng Intsik, ito ay ginawan ng lalang ng mga prayle upang mapabilanggo hanggang magkaramdam. Ibig ng Kastila na makapaghiganti.

5. Bakit napaaga ang pagbubunsod sa himagsikang binalak ni Simoun?

Tugon

Dahil kay Maria Clara na ayon sa balitang tinanggap ni Simoun ay nasa bingit na halos ng kamatayan.

6. Sa anong ibon inihalintulad ni Simoun si Maria Clara?

Tugon

Sa Fenix (Phoenix). Iisa lang ang ibong ito. (Tulad ni Maria Clara na iisang babae sa buhay ni Ibarra.) nabubuhay ito mula sa 500 hangggang 12,954 taon. Pagkatapos ay sinusunog nito ang sarili sa sariling pugad at ang abo nito’y nagiging bagong Fenix. Kung makuha na ni Simoun si Maria Clara sa mga kuko ng bulag na paniniwala, bibigyan niya ng bagong buhay ang mongha. Ani simoun patungkol kay Maria Vlara: Isang paghihimagsik ang naglayo sa akin at sa iyo; isa ring pagbangon ang magsasauli sa akin sa iyo.

7. Bakit nakita ni Simoun sa kanyang balintataw na tila galit ang anyo ni Don Rafael at ni Elias?

Tugon

Ang dalawa`y di sang-ayon sa pamamaraang kanyang ginamit. Si Don Rafael ay kabutihang lagi ang panuntunan sa pakikitungo sa bayan. Kay Elias ay di siya karapat-dapat sa tungkuling kanyang ginaganap; di na siya karapat-dapat dahil ang nag-uudyok sa kanya sa paghahangad na mapalaya ang bayan ay di ang diwang makabayan at makatarungan kundi payak na paghahangad ng paghihiganti.

8. Ipaliwanag ang biglang pagbabago ng loob ni Placido nang kausapin siya kinabukasn ng kanyang ina?

Tugon

Sa ipinabatid sa kanya ni Simoun noong sinundang gabi ay naisip niyang isa ng kalabisan ang makipagtalo sa kanyang ina. Kunwa’y payag na siya sapagka’t batid niyang sa mga araw na iyon ay ibubunsod na ang madugong himagsikan kaya’t wala nang tanging hiling sa ina kundi umuwi kaagad sa lalawigan upang makaiwas sa labanan.

9. Ano ang mitsa ng paghihimagsik ni Simoun?

Tugon

Ang paghihimagsik ay parang bomba na handa na ngunit wala pang mitsa na sisindihan upang pasabugin ang bomba. Ang paghihimagsik ni Simoun ay may layon: pagbawi kay Maria Clara.

Kabanata XX
Si Don Custodio

Buod

Ang usapin ukol sa akademya ng salitang kastila ay nasa mga kamay ni Don Custodio, na siyang pinagkatiwalaan lumutas sa suliraning ito.

Si Don Custodio de Salazar y Sanchez deMonteheredondo ay kilalang tanyag sabahagi ng lipunan sa Maynila at tinaguriang “Buena Tinta”. Siya ay nakapag-asawa ng isang mayaman at sa pamamagitan ng yaman ng asawa, nakapagnegosyosiya kahit kulang sa kaalaman sa mga tungkuling kanyang hinahawakan siya ay pinupuri dahil siya ay masipag.

Nang bumalik siya sa Espanya walang pumansin sa kanya dahil sa kakulangan niya sa pinag-aralan, kaya walapang isang taon nagbalik na siya sa Pilipinas at nagmagaling sa mga Pilipino sa kanyang kunwaring magandang karanasan sa Madrid.

Lumagay siya parang amo’t tagapagtanggol, ngunit siyay naniniwalang may ipinanganak upang mag-utos at ang iba’y upang sumunod. Ang Pilipino’y ipinanganak upang maging utusan, kaya’t kailangang pagsabihang lagi na ang mga ito’y sa gayon lamang ukol.

Sa loob ng labing limang araw, si Don Custodio ay bumuo ng pasiya ukol sa kasulatan at handa na niya itong ipaalam sa lahat.

Mga Tanong at Sagot

1. Paano nabigyan ng bansag na “Buena Tinta” si Don Custodio?

Sagot

Siya ay naging laman ng mga pamahayagan sa loob ng ilang lingo at sakanyang walanghabas na pakikipagtalo kung kani-kanino.

2.Paano siya nagkaroon ng pagkakataong makahawak ng napakaraming tungkulin?

Sagot

Sa tulong ng salapi ng kanyang mayamang asawa, siya ay nangalakal at tumanggap ng mga paggawa ng pamahalaan.

3. Ano angpalagay ni Don Custodio sa mga Pilipino?

Sagot

Ang mga Pilipino ay ipinanganak upang maging utusan.

Kabanata XXI
Mga Anyo ng Taga-Maynila

Buod

Nang gabing iyon ay may pagtatanghal sa teatro de Variendades, ang Les Choches de Corneville ng bantog na mga Pranses. Ubos kaagad ang tiket, at mahabang-mahaba ang hanay ng nagsipasok.

Isang Kastila ang tanging walang bahala sa pagpasok sa dulaan. Ito’y si Camarroncocido na anyong pulubi o palaboy. May lumapit sa kanya na isang kayumangging lalaki na matanda at may amerikanang mahaba’t hanggang tuhod. Siya’y si Tiyo Kiko. Pinakitaan nito ng mga mamisong Mehikano si Camarroncocido. Iisa ang kanilang hanapbuhay: pagdidikit ng mga paskil.

Anim na piso ang iniupa ng mga Pranses kay Tiyo Kiko. Ani Camarroncocido: E, magkano naman ang ibinigay nila sa mga prayle? Dapat mong malaman na ang buong kikitain ng palabas ay mauuwi sa mga kumbento.

Ang palabas ay humati sa Maynila. Mayroong nagsitutol dito bilang masagwa at laban sa moralidad, tulad nina Don Custodio at ng mga prayle. Mayroon namang nagtanggol dito. Mga pinuno ng hukbo at mga marino, ang kawani, at maraming matataas na tao. Laban ang mga babaing may asawa o may kasintahan. Ang wala nama’y sang-ayon sa opera. Naging malaki at malaganap ang bulung-bulungan at kasamang nababanggit ang Kapitan Heneral, si Simoun, si Quiroga at mga artista.

Ani Camarroncocido kay Kiko: Ang kalahati ng mga nagsisipasok sa teatro ay manonood dahil sinasabi ng mga prayle na huwag manood: at ang palabas dahil ipinagbabawal ng mga prayle. Mabuti ang iyong mga paskil ngunit higit na mabisang pantawag ng tao ang pastoral o pagbabawal ng mga pari.

Nang makaalis si Tiyo Kiko ay may napansin si Camarroncocido na mga taong tila hindi sanay mag-amerikana at sa wari’y umiiwas mapuna. Anya: Mga sekretarya kaya o magnanakaw? Kinapa ang sariling mga bulsa. Walang laman. Ano sa akin sino man sila? anito at nagkibit-balikat. Isang kagawad ng hukbo ang kumausap sa mga di-kilalang tao na apat o lima sa bawat pulutong. Pagkatapos, ang kagawad ay lumapit sa karwahe at masiglang nakipag-usap sa taong lulan niyon si Simoun. May narinig ang palaboy na Kastila: Ang hudyat ay isang putok. At umalis ang karwahe. May binabalak! ani Camarroncocido.

Nagpatuloy ng lakad si Camarroncocido. Dalawang tao ang narinig niyang nag-uusap. Anang isa na may hawak na rosaryo at kalmen: Ang mga kura ay malakas kaysa Heneral. Ang heneral ay umaalis; ang mga ay naiiwan. At yayaman tayo. Ang hudyat ay isang putok.

Ani Camarroncocido: Doon ang heneral dito si Padre Salvi. Kaawa-awang bayan! Ngunit anio sa akin?

Sa labas ng dulaan ay naroon si Tadeo at isang kababayang baguhan sa lungsod. Niloloko ni Tadeo ang kababayang tanga sa pagsasasbi ng mgsa kahanga-hangang kasinungalingan. Maraming mga taong nagdaraan ang sinasabi ni Tadeo na mga kaibiga’t kakilala niyang malalaking tao kahi’t di totoo. Dumarating sina Paulita Gomez at ang tiyang si Donya Victorina. Nakilala ni Tadeo si Padre Irene na nakabalatkayo nguni’t di naitago ng tunay na katauhan dahil sa mahaba niyang ilong. Dumating din si Don Custodio.

Nang makita ni Tadeo na dumating sina Makaraig, Pecson, Sandoval at Isagani ay lumapit ito at bumati sa apat. May labis na tiket ang mga ito dahil di sumama sa kanila si Basilio. Inanyayahang pumasok si Tadeo. Di na naghintay ng ikalawang paanyaya si Tadeo. Iniwan ang taga-lalawigan na nag-iisa.

Mga Tulong sa Pag-aaral

1. Si Camarroncocido ay may pangalang ang kahulugan ay halabos na hipon dahil mapulang-mapula siya. Siya ang isang Kastilang hindi nagpapahalaga s kanyang pagiging Kastila. Gayong may pagkadugong bughaw, nang dumating sa Pilipinas ay naging isa lamang upahan sa pagdidikit ng mga paskil sa dulaan at mga gawaing kauri nito. Isa siyang kabaligtaran ni Don Custodio na isa lamang layak sa Espanya na nang maparito ay nagsamantala sa pagiging Kastila at naging mayaman at makapangyarihan.

2. Salin ng Les Choches de Corneville: Mga Kampana sa Corneville. Ito’y nagpapahiwatig ng mga mananayaw na babaing may mga sayang maluluwang na parang kampana na titikwas-tikwas samantalang sumasayaw at pasipa-sipa sa itaas ang mga paa.

Mga Tanong at Sagot

1. Anong kasamaang ugali ang pinulaan ni Rizal sa mga taong tulad ni Camarroncocido?

Tugon

Ang pagwawalang-bahala sa mga panayayari o mga mangyayari kung ito ay walang tuwirang kaugnayan sa kanya kahit mangahulugan ito ng kaguluhan sa bayan o maging ito ay matuklasan niyang may pipinsalaing ilan. Ito ay sakit ng lipunan hanggang ngayon. Maraming kabulukan at katiwalian o krimen ang nasassaksihan nguni’t di isinusuplong sa mga maykapangyarihan sapagka’t wala namang tuwiran o biglaang samang nagagawa sa mga nakakita dahil di nila nais masangkot sa gulo. Di nila nais na maabala sa pagsaksi sa paglilitis. Nguni’t sa di paggawa ng karampatang hakbang ng mga nakapunang ito, ang katiwalian o ang krimen ay lalaganap at balang araw ang nangapabaya sa pangyayari ay siyang tatamaan niyon. At sa katiwaliang nangyari sa bayan, di man tuwiran, lahat ay nagdurusa. (Maipaliliwanag pa ito ng guro).

2. Paano nahati sa dalawa ang lipunan sa Maynila?

Tugon

Dahil sa mahigpit na pagtutol dito ng mga prayle, lalo na si Padre Salvi, at sa pagsang-ayon dito ng mga taong pamahalaan, napukaw ang pansin ng mga taga- Maynila. Nangagtanong sila kung bakit ipinagbabawal ito ng simbahan? Lahat halos ay ibig manood: Una, iyong ibig manood upang malaman kung bakit bawal; at ikalawa, iyong ibig manood kung bakit dapat ipagbawal. Kung hindi ipinagbawal ng mga prayle, hindi dadami ang manonood.

Ito ay isang magandang paglalahad ukol sa tinatawag na ban o pagbabawal sa pagbabasa sa isang aklat. Dahil ipinagbabawal ang Noli at Fili, noon, halos lahat ng marunong-runong bumasa ng Kastila noong panahon ni Rizal aaaaay nagnais makabasa ng mga nobelang ito. Ipinagbawal ng simbahan ang Pride of the malay Race ni Rafael Palma. Ito ay naging mabili. Kapag nilalagyan ng For Adults Only ang paskil ng palabas sa sine lalo itong pumapasok;ipinagbabawal ang isang sine, ito ay dudumugin ng tao. Dahil sa ito’y katutubo sa tao ang pagtanggi sa pagbabawal. Bawalan mong hipuin ang isang bagong kapipintang bagay sa paglalagay ng pansin na Huwag Hipuin .Sariwang Pintura, at ito ay mapupuno ng mga bakas ng daliri ng mausisa.

3. Sino-sino ang mga taong napuna ni Camarroncocido sa dilim sa paligid ng dulaan?

Tugon

Mga tauhan ni Simoun. Ang mga kawal ay pinagsabihan niyang ibig ng Kapitan Heneral na magkaroon ng gulo upang mapigil ang pagbabalik nito sa Espanya at di kaagad matapos ang panunungkulan nito sa Pilipinas. Sa makatuwid sumalakay man ang mga kampon ni Kabisang Tales ay aakalain ng mga militar na iyon ay bahagi lamang inihandang pagkakagulong sa kagustuhan ng Kapitan Heneral. At ang haharapin ng mga kawal ay hindi ang mga tulisan kundi ang mga manong na magtatanggol sa mga prayle. Dito’y gagamitin ni Rizal ang theory ni Machiavelli: Paglaban-labanin mo ang iyong nasasakupan at sila’y madali mong mapaghaharian. Kung magpapatayan ang mga marinero at militar laban sa mga manong at confradia magiging malaya ang pangkat nina Kabesang Tales at ang mga mamamayan sa pagsasalakay sa nais nilang salakayin.

4. Bakit nakapasok din sa dulaan si Tadeo?

Tugon

Di sumama kina Macaraeg si Basilio dahil ang huli ay magrerepaso para sa nalalapit niyang pagsusulit. May tiket para kay Basilio. Ito’y ipinagamit nina Isagani kay Tadeo.

Kabanata XXII
Ang Palabas

Buod

Maingay sa dulaan. Lampas na sa oras ay di pa nagsisimula ang palabas dahil wala pa ang Kapitan Heneral. May nagsisipadyak ng baston at sumisigaw na buksan na ang tabing. Maraming pabastos na paghanga sa mga babae na maririnig sa mga artilyero. Maraming tsismisan. Mausok. Maraming pagtatalo. May isang matigas ang ulo sa isang luklukang di kanya at ayaw ibigay iyon sa may-aring si Don Primitivo. Hindi ito napakiusapan ng tagapamahala. Nagsigawan ang mga artilyero. Ibibigay o hindi na oo na hindi! Nalibang ang mga tao. Ang mga tanod ay di makapangahas magpaalis sa nasa upuan ni Don Primitivo dahil sa ito ay isang mataas na tao sa pamahalaan.

Dumating ang Heneral. Tumugtog ng marcha real. Si Pepay ay nasa isang palko na handog ni Makaraig. Katapat ito ng palko ng mga estudyante. Si Don Custodio ay tinipan ni Pepay sa dulaan kaya’t di man ibig ay napilitan ang tagapagmungkahi na pasadulaan.

Masaya si Pepay. Masaya rin ang mga estudyante pati si Pecson. Si Isagani lang ang hindi dahil nakita niya sa dulaan si Paulita na kasama ni Pelaez na kanyang karibal.

Isang Pransesa ang umawit, si Gertude. Isang awit na puno ng tsismis ng linggo ang kanyang ipinaririnig. Tigas na kasasalin ni Tadeo sa Kastila ng mga salitang Pranses. Gayon din ang ginawa ni Juanito Pelaez kina Paulita at Donya Victorina. Karaniwan naman ay mali si Juanito. Umawit si Serpolette. May pumalakpak sa una. Nakilala ito ni Tadeo. Padre Irene na pinapag-espiya ni Padre Salvi sa kung sadyang masama nga ang palabas ng mga Pranses ay namukhaan ng mananayaw. Kakilala pala siya ni Serpolette sa Europa pa.

Isang babae ang dumating na kasama ang asawa. Ipinamalaki ang pagdating niya nang huli sa lahat. Nang makitang may palko pang walang laman ay inaway ng ginang ang asawa. Sinutsutan siya ng mga tao. Wikang paismid: Ang mga ungas! Akala mo’y marurunong ng Pranses. (Tama naman.)

Si Juanito’y nagpapanggap na maalam ng Pranses na di naman nalalayo sa Español. Kapag nagtawa ang mga tao’y nakikitawa siya. Kapag nagsiungol o nagsiubo, napapailing siya. Humanga sa kanya si Donya Victorina at hinangad pakasalan ang binatang kuba pag namatay si De Espadaña.

Inubo nang masasal si Juanito. Sinigawan siya. Paalisin ang tisiko. Nais awayin ito ni Pelaez. Nakilalang si Don Custodio iyon. Natakot ang binata. Kundi lamang kasama ko kayo anya kina Paulita. Lalong humanga si Donya Victorina kay Pelaez.

Ayon kay Ben Zayb, na isa sa mga nagsiganap ay hindi artista, di marunong umawit.

Napag-usapan ang di pagsipot ni Simoun sa dulaan.

Pinagtalunan ng mga estudyante ang kagandahan at kapangitan ng wikang Pranses . Dumating si Makaraig mula kay Pepay. Malungkot. Nag-usisa ang lahat. Napasiyahan na raw ang tungkol sa paaralan ayon kay Padre Irene. Sinang-ayunan nag paaralan. Ngunit ito’y ipaiilalim sa Unibersidad ng Sto. Tomas, sa pamamahala ng mga Dominikano.

Kung gayo’y mga kabesa de baranggay tayo, ani Tadeo. Hinagisan ni Pecson ng maruming medyas si Sandoval.

At ang masakit ayon kay Makaraig ay ipinayo pa ni Padre Irene na ipagdiwang ng mga estudyante ang tagumpay nila.

Ani Pecson: Sigi, magdiwang tayo sa isang pansiteryang paglilingkuran ng mga Intsik na hubad! Pinagtibay ang balak. Hindi na hinintay ng mga estudyante ang ikalawang yugto ng opereta. Nagsialis sila sa gitna ng alingasngas ng buong bulwagan.

Mga Tulong sa Pag-aaral

1. Ang tinawag na Filipino time ay pag-aglahi sa ating ninuno. Ito’y hindi oras Pilipino. Nagaya lamang ito ng ilan sa ating totoong isip-alipin sa mga Kastilang namuno sa atin nang may tatlong daang taon. Ang manonood, makikita sa ano mang palabas, ay maagang nagsisidating. Tanging panauhing pandanmgal ang huling dumarating at ito ay ipamamata nang oras-Pilipino . Hindi tumpak na ang maling ginawi ng isa ay ipaari sa maraming hindi naman gumawa niyon. Ang tunay na oras-Pilipino ay makikita sa mga nayon. Bago pa sumikat ang araw at wala pang nakikita sa paligid ay nasa pilapil na ng bukid ang magsasaka, nakasulong na sa dagat ang mamamalakaya. Ibando mong may pasine sa liwasan sa ika-8 at ika-6 pa lamang ng gabi ay marami nang naghihintay na bata at matanda sa pagpapalabasan. Pag sinabing oras-Pilipino ito’y mga minuto o oras na una kaysa takdang tipanan.

2. Ang bisa ng pag-ibig. Si isagani na pinakamasipag at tagapagtaguyod ng paaralan ay di pumansin sa pagkakatuwa at pagtalakay ukol dito ng mga kasamahan dahil sa malaki niyang panibugho at galit kay Paulita. Ito ring damdaming ito ni Isagani ang sisira sa tagumpay na balak ni Simoun sa dakong huli.

3. Hindi magkasama sa palko sina Don Custodio at Pepay. Mahalay para sa Don ang makitang kasama ang mananayaw.

4. Sina Tadeo at Pelaez bilang manonood. Si Tadeo ay isang uri ng manonood na di dapat natatagpuan sa dulaan. Wala siyang nakikita o nais makita kundi ang kapintasan at kasiraan ng kanyang pinapanood. Si Juanito Pelaez naman ay halimbawa ng isang ungas na ginagamit ang kaunting kaalaman (sa Pranses) na lalong nagpapatingkad sa kanyang katangahan. At sina Paulita at Donya Victorina naman ay mga lalong tanga na nakipatol sa nagdudunung-dunungang si Tadeo. Sila’y parang mga bulag na napapaakay sa kapwa bulag.

5. Si Ben Zayb ay isang kritikong hangal. Walang kaalaman sa sining ngunit nagdudunung-dunungan. Siya’y mapanganib dahil marami siyang maihahawang hangal ding mambabasa sapagkat siya’y manunulat at manunudling (columnist).

6. Usapa ni Padre Irer at Serpolotte nang makita ng babae ang kura sa karamihang nagsilapit sa artista. Sinunggaban sa bisig si Padre Irene at:

S-Naku, lapit, lapit dito, aking kuneho (pet o alaga).
I-Huwag kang maingay (nagnasang lumayo).
S-Bakit? Ikaw na higante rito at akong sumasamba sa iyo.
I-Huwag kang maingay rito, Lily ako’y isang Papa rito.

Si Serpolette pala at si Padre Irene ay dati nang magkakilala sa Europa pa lamang. Si Padre Irene ay isang lalaking makamundo. Ayon sa isang palasaliksik na naging propesor ko, si Prof. Teodoro A. Agoncillo, si Padre Irene ay hinuwad ni Rizal sa isang hudyo na nagpapanggap na pari at nakapagturo pa sa UST. Nang may malaking halagang napailalim sa kanyang pag-iingat, siya na di naman talagang pari at kalaban pa nga sa pananalig (Hudyo) ay nawala. Sinasabing bumalik sa Europa at nagbuhay Don Juan doon.

7. Punahin ang wika ni Donya Victorina nang mapg-usapan ang mabait at salbaheng utusan sa pamaling pagsasalin ni Juanito: At akong naniniwalang sa Europa ang lahat ay mababait! (Isip-alipin talaga)

Mga Tanong at Sagot

1. Bakit masaya si Pepay gayong hindi maganda ang kanyang balita para kina Makaraig?

Tugon

Isa siyang tanga. Hindi niya nasakyan ang ibig sabihin ng pasiya ni Don Custodio na akala niya ay sang-ayon sa paaralan kayat ikatutuwa nina Makaraig

2. Kaganinong palko ang walang tao na nkita ng babaing namayagpag sa pagdating niya ngng hulisa lahat?

Tugon

Kay Simoun.

3. Bakit hindi nasiyahan si Sandoval sa palabas?

Tugon

Paano di siya nakauunawa ng Pranses. (Daig pa siya ni Juanito.)

4. Bakit hinagisan ni Pecson ng medyas na mabaho si Sandoval?

Tugon

Si Sandoval ay isang Kastilang estudyante na kasang-ayon nina Isagani sa pagtatayo ng paaralan ng kabataan. Nasabi niya minsan, nang sabihin ni Pecson na walang mararating ang balak nila sapagkat lalabanan ng simbahan at pamahalaan, sinabi ni Sandoval na pag nabigo ang mga Pilipino, siya na isang kastila, ang magpapatuloy ng magandang balak na iyon. Ang medyas ay pinagsagisag ni Pecson sa isang paghamon kay Sandoval na magsabi ng totoo sa kanyang salita.

5. Bakit ikinalulungkot ng mga estudyante ang pasya ukol sa balak nilang paaralan?

Tugon

Ang paaralan ay ipaiilalim sa mga dominikano sa Unibersidad ng Sto. Tomas samantalang ang lahat ng gugol ay sa mga estudyante. Samakatuwid, wala ring pag-iiba sa pagtuturo sa unibersidad sa ilalim ng mga dominikano. Bakit magbubukas pa ng paaralan ang kabataan? E, di papasukin na rin lamang nila sa unibersidad ang sino mang nais mag-aral kahit hindi matuto.

Kabanata XXIII
Isang Bangkay

Buod

Nang gabing iyon, ikapito, ay makalawang umalis at dumating si Simoun sa bahay na may iba’t ibang taong kasama. Nakita siya ni Makaraig nang mag-iikawalo sa may daang Ospital, malapit sa kumbento ng Sta. Clara. Nakita siya ni Camarroncocido sa may dulaan nang mag-iikasiyam na may kausap na tila estudyante.

Si Basilio ay dir in nanonood. Nagrerepaso siya sa bahay. Hindi na nag-sasama sa mga kamag-aaral mula nang tubusin si Huli sa pagkakaalila. Pinag-aralang mabuti ang pagpapagaling kay Kapitan Tiyago na noon ay lalong naging mahirao pakiba-gayan. Kung minsan ay mahal na mahal nito si Basilio at kung minsa’y nilalait. Pabigat
nang pabigat ang karamdaman nito.

Ang pagbabawas sa paghitit ni Kapitan Tiyago ay isinasagawa ni Basilio ngunit kung nasa lalawigan o nasa paaralan siya’y may nagbibigay ng labis na apyan sa matanda. Si Simoun at si Padre Irene lang naman ay walang itinatagubilin kay Basilio kundi ang pagalingin ang maysakit, pagtiisan ito sa pag-aalaga.

Sa pagrerepaso ni Basilio ay dumating si Simoun. Mula nang magkita sila sa San Diego ay noon lamang sila nagkaharap. Kinumusta ni Simoun ang maysakit. Malubha, ani Basilio. Malala na raw ang kalat ng lason sa katawan. Tulad daw ng Pilipinas, ani Simoun.

Hinimok ni Simoun si Basilio na makiisa sa himagsikan liban sa pama-halaang Kastila dahil ang hindi kakampi sa kanila ay ituturing na kaaway na dapat pata-yin. Inatasan ni Simoun si Basilio na itakas si Maria Clara mula sa kumbento ni Sta. Clara habang nagkakagulo ang buong lungsod.

Sinabi ni Basilio na huli na, dahil sa nagpakamatay na si Maria Clara. Naroon siya sa kumbento upang makibalita kaya niya nabatid. Nang bumalik siya ay nakita niya ang liham na padala ni Padre Salvi kay Padre Irene na siyang nagpabasa ni-
yon kay Kapitan Tiyago na nagpanangis nang mabatid na patay na si Maria Clara.

Litong-lito na patakbong nanaog ng bahay si Simoun. Nawala sa pag-aaral ang isip ni Basilio. Ang naglaro sa isip ay ang kahabag-habag na buhay nina Ibarra at Maria Clara.

Mga Tanong at Sagot

1. Bakit ninasa pa ni Basilio na gamuting mahusay si Kapitan Tiyago gayong siya’y hirap na hirap ditto at pabayaan lamang niyang mamatay ay tapos na
ang hirap niya?

Sagot

May marangal na budhi si Basilio. Nasa isip niyang lagi ang kinabukasan nila ni Huli na ayaw niyang mabahiran ng maruming kahapon.

2. Bakit inihambing ni Simoun si Kapitan Tiyago sa pamahalaan ng Pilipinas?

Sagot

Tulad ni Kapitan Tiyago na ang lason ng apyan ay laganap na sa buong katawan, dahil sa laganap na sa buong katawan, dahil sa laganap na kabulukan sa bayan, ay malapit nang “maglagot” ang bayang Pilipinas.

3. Bakit kailangang-kailangan ni Simoun si Basilio sa kanyang paghihimagsik?

Sagot

Si Basilio lamang ang tangi kay Simoun at Kapitan Tiyago ay siyang naka-kikilala kay Maria Clara na kailangang ilabas sa Sta. Clara. Si Basilio lang dahil kailangan ni Simoun na pangasiwaang maigi ang mga pangkat ng kanyang pag-aalsa.

4. Ano ang mapupuna sa inihandang paghihimagsik ni Simoun na wika nga niya, kung buhay si Elias, ay isa sa mga tututol?

Sagot

Hindi para sa bayan ang layunin ni Simoun sa paghihimagsik na ito. Ito’y ginawa lamang niyang kasangkapan sa isang makasariling layunin—ang maka-paghiganti at mailigtas si Maria Clara sa mga pagdurusa sa kumbento.

5. Bakit napablis ang pagkalason ng katawan ni Kapitan Tiyago?

Sagot

Kung wala si Basilio ay binibigyan ni Padre Irene ng maraming apyan ang may sakit; tulad ng pagpapalala ni Simoun sa sakit ng bayan. Si Padre Irene ay may hangad sa lalong madaling pagkamatay ni Kapitan Tiyago dahil nagawa niyang siya ang mapamanahan ng lahat ng ari-arian ng matanda.

Advertisements